July 13th, 2007 by tsokolatengmalapot
haha! meroon palang "Pinky ang the Brain" na series!
nakakatuwa talaga kapag nakikita mo ang pangalan mo sa kung saan-saan. Meroon dati sa gilid ng tulay sa San Pedro, sa poste ng meralco at sa isang libro na bold sa Sta. Rosa.
Medyo nakakainis na malamang titulo ng isang librong bold ang pangalan ko pero nakakatawa pa din. parang naiisip ko na:
GENEVIEVE…TENENTENTENTENTENTENTENTEN…
masaya ang mood ko dahil nakapag-Jollibee kami. mababaw pero hindi lang alam ng araw ang takot ko na hindi na makag-Jollibee sakaling magkapamilya ako. Sana kapag nagyaya ang magiging anak ko ng Jolly hotdog, madagdagan ko pa ng spaghetti at chicken joy!
Posted in Uncategorized | 1 Comment »
March 19th, 2007 by tsokolatengmalapot
Kahapon, nilibot ko ang ka-Diliman kasama ang nakabarong na araw. nakilala ko ang bumabasa ng labi at nahawakan ko na sa wakas ang Kulay Lila!
bago umuwi, lumambitin ako sa mga markadong acaciang punong-puno ng mga kunehong may manika.
Posted in Uncategorized | No Comments »
March 5th, 2007 by tsokolatengmalapot
sa gitna ng kabi-kabilang pagsubo ng ensaladang labanos sumagi sa isip ko ang katawan at anim na taong gulang na boses ng kamag-anak kong hinagis ni Milenyo sa nabuwal na puno ng mangga.
inagaw na din ng mga dalagang-bukid ang bubong nila at nakikisilong sa kamag-anak na malamang ay surang-sura ngunit wala namang magawa. samantalang nangyari ito, patuloy ako sa pagpili kung ano ang nababagay na bathtub sa banyong may dingding na kawayan.
Posted in Uncategorized | No Comments »
March 2nd, 2007 by tsokolatengmalapot
masakit din palang mabasa ang mga salitang: NO ONE HAS GRABBED YOUR PICTURE!
masaya ako ngayon dahil patapos na ang kubong pinapagawa ng nanay ko. sabi niya mga kalagitnaan ng abril pwede ng tulugan ang bahay.
sabi ni ilia palitan ko na daw ang nakapost sa blog ko. baduy daw! sorry naman dahil sa sobrang wala akong ginagawa ngayong semestre nahaluan na ng katamaran ang sistema ko.
nasa irri ako kahapon. isa’t kalahating oras na lakaran, di pantay na paso ng araw sa pisngi, at gamunggong pawis sa likod ang kapalit ng agahan na longganisa, sardinas, corned beef at pakwan.
alam kong natuwa din ang araw. dama ko sa paglimbitin ng kanyang sinag sa aking mga daliri.
Posted in Uncategorized | No Comments »
January 8th, 2007 by tsokolatengmalapot
may isang asyano pinipilit akong hubaran sa internet. ano ba naman ang mapapala niya. hindi naman niya ako mahahawakan.
tinatanong pati taas ko, kulay ng buhok, at timbang. dati madalas kong sabihing tatlo na ang apo ko at naghahanap lang ako ng mapapangasawa.
ang mga "hindi nag-kumon", naniniwala naman!tinatanong kung ano ang buong istorya.
nakakatawang ang usapang nagsimula sa "hi, asl" ay mauuwi sa tanggalan ng damit!
mabuti na lang at may-"ignore".
Posted in Uncategorized | No Comments »
January 7th, 2007 by tsokolatengmalapot
hindi dahil ginagawa mong hapunan ang sinasabing katawan ng Diyos at nalalapatan mo ng sariling
tono ang mga pagbasa, maaari mo ng matahin ang mga kamay kong humahaplos gabi-gabi sa bukoling mukha ng buwan.
ilang talampakan lang ang kayang abutin ng paningin ko, at hindi ka kasama sa distansyang iyon!
Posted in Uncategorized | No Comments »
December 20th, 2006 by tsokolatengmalapot
What i want is an overnight trip to bataan with lots of pictures and a buffet of sea food.
please please i need a job and fast!
Posted in Uncategorized | No Comments »
December 16th, 2006 by tsokolatengmalapot
gaano ba kalamig ang ilong ng pusa? madalas sinasabi ni ma kung paanong ang napabayaang tinimplang kape ay kasing lamig ng ilong ng pusa. minsan tuloy naiisipan kong manghabol ng pusa para pagdikitin ko ang mga ilong namin.
alas-tres ako gumising kaninang madaling araw. nabasa ko pa ang unang pagbati ng dilaw na lotus. isang pag-aanyayang sabayan ko siya sa simbang gabi.
hindi agad ako bumangon hanggang matapos ang isa’t kalahating oras. unang araw ng simbang gabi at pag-aalay na ang naabutan ko. Ni hindi ko nga alam kung ano ang sermon.
maari ko pa bang sabihing nakumpleto ko ang simbang gabi kung sa unang araw hindi ko narinig ang sermon?
may pakulo ngayong taon ang pari para lalong dumami ang nagsisimba. may premyong pinamimigay bago mag-umpisa ang huling pagbendita. ang kanina’y kung sa sino man ang pinakamaaga. ano ba naman ang laban ko? alas-kwatro ang misa.
pagkatapos ng misa unahan na ang marami sa tindahan ng puto bumbong. saktong apat na lang ang natitira kaya pinabalot ko ng lahat. sinamahan ko na rin ng bibingka at pinadagdagan pang lalo ang niyog. ako na rin naman ang pinakahuli. mainam kung ibuhos na nilang lahat ang niyog.
bukas ilalagay ko sa alas-dos ang relo. sisisguraduhin kong maririnig kong lahat mula sa una at huling pag-antanda at maiiuuwi pang mainit ang bibingka.
Posted in Uncategorized | 1 Comment »
December 13th, 2006 by tsokolatengmalapot
may isang kubang nakasuot ng t-shirt na may tatak na "nutri-light" ang kumakatok sa pinto ng isang computer shop.
halo-halong amoy ng sigarilyo, pawis at longganisa ang sumasalubong sa ilong ng mga nangangahas na pumasok.
at dahil sa karamihan ng mga tao roon ay hayok sa dota at sa larong ginagawang piano ang keyboard, hindi na nila ininda ang amoy nmg longganisang pawis at ang pagpapakitang- gilas ng kuba na walang-hiya-hiyang nilalabas ang kanyang braso at ipinagmamalaki ang mga tato ng kunehong nakasuot ng damit ng bumbero at agilang nasa ibabaw ng biniyak na puso.
nakapagtatakang sa gitna ng pagkilos niyang ito, nasa ilalam ng mga tato at t-shirt na "nutri-light" ang isang latang maaring naggaling sa isang brand ng laos o sikat na tuna o sardinas.
maari ding corned beef o meat loaf.
sa kabilang banda, mayroong isang batang babaeng nakasuot ng puting t-shirt. triple ang laki nito at mistula ng gown para sa bata. at dahil umaalon pa ang kanyang buhok, nakahawig niya ang sto. niƱong pinuprusisyon suot ng iba’t- ibang kulay ng pambahay at pampasko. may dalang payong ang bata. triple din ang laki sa kanya.
aywan kung bakit pa niya iyon bitbit gayong wala namang ulan at natutulog na ang araw. siguro’y takot mahamugan.
nakasukbit sa gilid ng kanyang buhok ang ipit na spongebob na tuklap na din ang tatak, gaya ng lata pagmamay-ari ng di kilalang tuna o sardinas.
nagpapatunog pa rin ng buto ang kubang may tatong kuneho nang hubarin ng bata ang kanyang ipit at inihulog sa lata ng matanda.
sa gitna ng takatak ng keyboard at sigawan sa imaheng giyera, walang ni isa man sa mga nagdodota ang nakarinig sa pilit na kalansing.
Posted in Uncategorized | No Comments »
December 13th, 2006 by tsokolatengmalapot
dahil sa hindi ko na mapasok ang pahina ko sa blogspot ,dito muna ako magsusulat. nakakahinayang mang iwan ang letrato kong may gumamela sa tainga, mas mainam na ring subukan din ang ibang opsyon paminsan-minsan.
tinext ako ng pinsan ko kanina tungkol sa kung ano daw ang magandang title sa report niya tungkol sa sumpong at tampo ng mga pilipino. walang ibang pumasok sa’kin kundi "tam-sum pinoy".
may ga-bigas na langgam ang lumalakad sa ulo ko. natatamisan siguro sa bago kong shampoo. ano kayang matamis sa Head and Shoulders? siguro sa halip na putik, nagsusumiksik na asukal ang nasa kuko ng mga daliring kasabay kong sumayaw sa ilalim ng tabo.
iyon na lang muna!
Posted in Uncategorized | No Comments »